Unang isinulat: 11:40 AM 4/5/2007
Martes Santo. Kabog-bog-bog-bog… Ganyan ang pintig ng puso ko habang nakapila ako para mangumpisal. Hingang malalim. Haaay… Kinakapos ako ng hininga. Ang tibok ng puso ko ramdam ko sa lahat ng parte ng aking katawan. Naku… Nakakahiya. Sasabihin ko na naman ang lahat-lahat ng kasalanan ko. Pati iyong mga ikinumpisal ko na noon. Haaay… Nakakahiya talaga. Pero, gusto ko na talagang makalaya sa mga kasalanang umaalipin sa akin…
“Hindi ako maliligtas sa sarili kong kakayahan.”
Sa pamamagitan ni Fr. Albert, aming kura, ipinarating sa akin ni Kristo na kung gusto kong mabago at makalaya mula sa kasalanan, dapat kong tanggapin sa sarili ko na, GRASYA NG DIYOS ang makapagliligtas sa akin. Hindi dahil sa pagkumpisal ko, o pagdarasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria. Mangumpisal man ako ng isang libong beses, kung sarili ko pa rin ang inaasahan ko, walang halaga ang pangungumpisal ko.
Hindi ko man masabi isa-isa ang lahat ng naging mga kasalanan ko, kung ang PAGSISISI ko ay buong puso at bukas-loob, mismong puso at kaluluwa ko na ang naglalahad sa Kanya ng mga pagkukulang ko’t mga pagkakamali. Mahirap ipaliwanag. Dahil hindi siya isang kaalaman na natutunan, kundi pagpapala na tinatanggap at nararanasan.
Lumuha ako, umiyak, humikbi, humagulgol. Una, dahil sobrang nagsisi ako sa mga kasalanan ko. Ang mga salitang sinabi sa akin ni LORD ay parehong nakakasakit at nakakapayapa ng puso. Kapayapaan, iyan ang ikalawang dahilan. Ipinadama Niya sa akin na ako’y pinatawad na. Hindi ko na kailangan pang balik-balikan ang mga dati kong pagkakamali, dahil binura na Niya ang mga iyon. At ang ikatlong dahilan, matapos akong patawarin, ipinakita Niya sa akin ang hinaharap – kung anu-ano ang mga bagay na kaya kong gawin para sa Kanya. Ang magturo, magsulat at magpaalipin.
“Hinding-hindi na ako magpapaalipin sa kasalanan. Sa ‘yo lang ako magpapaalipin, Panginoon.“
[Baduy ba? Ma-drama? Parang malabong mangyari sa 'yo? Akala mo lang iyon! Matagal ka na Niyang hinihintay. Pagbigyan mo naman Siya.]
Oo nga pala. Kung pwede naman nating ikumpisal sa Diyos ang mga kasalanan natin, bakit kailangan pang dumaan sa pari? Maraming malalalim at theological na dahilan, pero para sa akin? Ito lang iyon: sa pangungumpisal sa pari, tinuturuan Niya akong magpakumbaba sa pamamagitan ng pag-amin ko ng mga kasalanan ko sa kapwa ko makasalanan.
Nang maghubad ako sa harap ng tao…
…si Hesus ang nagdamit sa akin ng damit ng kaligtasan.
