Mahilig talagang manurpresa ang Diyos!
Lilimang araw palang mula noong makapagdesisyon akong September 8 ang petsa ng pagpasok ko ng kumbento, heto’t binabalikwa na naman ni Lord ang aking mga plano.
Isang pangkaraniwang araw ng Huwebes ngunit nagkaroon ng di pangkaraniwang kwentuhan kami ni Sr. EF. Dapat talaga, hindi ko muna sasabihin sa kanya ng napili kong araw ng pagpasok, pero hindi ko na naman napigilan – nadulas na naman ako.
“Suggestion lang ha. Bakit hindi mo na lang gawing August 8, Feast ni St. Dominic, para after one month, September 8, sakto, postulancy mo,” text ni Sr. EF.
Sa gitna ng aking pagkagulat sa nakuhang opinyon, dali dali kong kinumpirma sa internet: August 8 nga ang feast day ni St. Dominic. Nang mapagtanto ang katotohanan, halos matunaw sa pagkamangha at matinding galak ang aking puso. Sa loob-loob ko kasi, napakatagal ng September 8! Hindi ko matanggihan! Para bang ginamit na naman ni Lord si Sr. EF para suyuin akong bilisan na ang pagsama ko sa Kanya. Haay..
Umiyak ako. =’c
Para akong binusan ng kumukulong tsokolate: masarap dahil tsokolate, masakit dahil mainit. Masakit dahil parehong mahirap tanggihan at mahirap tanggapin. Nahahati ako.
Samu’t saring bagay ang pumasok sa isip ko para magdulot ng takot. Baka magalit sa akin si Papa, si Fr. RC; sabihin nila masyado akong pabago-bago. Pero hindi ko talaga matanggihan ang petsang August 8!
Si Lord talaga, mahilig baguhin ang mga plano ko. Pero dahil nga naman Siya na naman ang kumilos, itinaas ko na sa Kanya ang lahat ng takot na nararamdaman ko. Hiningi ko sa Kanya ang tapang.
AJAH!
