10 July 2008 | 6:45 PM
Naisip ko lang: ang pinagdadaanan ko sa buhay ngayon ay maitutulad ko isang bridal march ng isang wedding entourage.
Sa aking paglalakad sa gitna ng simbahan, iba’t ibang mukha ng tao ang dinadadaanan ko – karamihan sa kanila’y mahalaga sa akin. (Syempre, kasal yun, sino pa ba’ng iimbitahan?
) At ilan sa kanila ay mga taong talagang malapit sa puso ko.
Sa bahaging ito ng aking paglalakad, ay mukha ng mga madre ang dinadaanan ko. Masasayang mukha, mga mukhang nakangiti; masaya sila para sa akin. Kung minsan nga’y naiisip kong huminto na lang sa paglalakad at makipagkwentuhan na lang sa kanila; tulad na lang kay Sr. EF. Pero, hello?! Hindi iyon ang ending ng paglalakad ko. HINDI IYON ANG DULO. May Naghihintay pa sa akin. At para makarating ako sa Kanya, kailangan kong lampasan ang mga tuwang pansamantala at panandalian; pagtagumpayan ang mga naising makapaglalayo sa akin sa Kanya. Taos noo, diretso akong magpapatuloy sa aking paglakad hanggang sa mahawi ang iba’t ibang mga mukha at tanging mukha na lamang Niya ang aking makita – wala nang iba.
At gayundin, ang mga mata ng mga mukhang noong una’y sa akin nakabaling, hindi ko na nais na manatiling nakatuon sa akin. Ang hangad ko ay Mukha Niya ang kanilang makita sa akin, hanggang ang mga mata nila’y sa Kanya na nakatingin.
Amen.
To see the Face of God is my heart’s desire…
- The Face of God, MV Francisco SJ
